Eto yung mga yun:
- Kinder - Graduation namin noon. Usong uso pa noon ang hilahan ng upuan sa Eat Bulaga para matumba yung uupo. Saktong araw ng graduation namin nung Kinder, di ko rin alam kung ano ang pumasok sa kokote ko, hinila ko yung upuan ng nasa unahan ko pagkagaling nya sa stage. Umiyak sya kasi nabagok ang ulo. Napingot ako ni ermats, syempre it hurts. Graduation ko noon, pero nakasimangot ako sa mga pictures. Halos 24 shots yun na hindi maipinta ang muka ko sa sobrang pagkabadtrip.
Nung bakasyon naman, sobrang hilig namin ng mga tito ko sa Family Computer. Sa sobrang hilig namin eh tuwing hindi nakukuha yung cartridge sa buga, kinakalikot namin yung family computer, binubuksan, tinitira ng screwdriver, hanggang matuluyan na. 1 week after, hindi rin makakatiis si mama bibili rin ulit yun. Halos kada buwan ata eh bago ang family computer namin.
Noong new year, gumawa kami ng kanyon na gawa sa kawayan. Lakas trip lang, tinutok pa namin sa bahay ng kapitbahay. Muntik na ata naming masunog yung bahay nila. - Grade 1 - Itago na lang natin ang classmate ko sa pangalan na "Ryan". Naglalaro kami ng sipa sa plaza noon sa naic, suot suot ko pa yung binili sakin ni erpats na LA Gear (yung umiilaw na sapatos). Last shot na. Hinabol ko yung tingga, tapos bwelo ng napakalakas at napakatinding sipa. Hindi ko tinamaan yung tingga. Lumipad yung sapatos ko papunta sa muka ni Ryan. Umiyak sya at sinabihan ako na isusumbong ako sa ermats nya. Dahil tigas-tigasan ako, sinabihan ko pa na "E di magsumbong ka duwag!". Kinabukasan, parang ayokong pumasok kasi iniisip ko na baka abangan ako ng nanay nya sa labas. Nakakatakot pa naman.
Lagi rin kaming naglalaro ng langit lupa ng mga classmate ko. Tapos pag napagod na kami, pagtitripan namin yung mga lalakeng naglalaro ng chinese garter. Nung one time nga may umiyak pa, nagsumbong sa teacher namin na inaaway daw namin sya. Pinaluhod tuloy kami sa harapan ng blackboard ng halos 30 minutes na nakataas ang kamay at nakalabas ang dila. Doon ako namulat sa katotohanang malupit pala talaga ang mundo. lol - Grade 2 - Sobrang naadik ako sa gagamba. Umuuwi ako sa bukid para magpahuli sa pinsan ko at sa lolo ko (Hindi ko kayang manghuli kasi takot ako sa palaka). Tamang-tama, nagpadala si erpats ng sega megadrive at bisikleta, hindi ko pinansin yun kasi ang nakita ko e yung malaking balikbayan box. Nag-DIY ako ng pitak galing sa balikbayan box na binalutan ko ng sangkatutak na duct tape. Parang mini-package sa LBC. Pagpasok ko sa school, ang yabang ko pa at ipinakita ko ang 1 batalyon na gagamba sa mga classmate kong naglalaway dahil pang-posporo lang ang level nila. Sakto dumaan yung grade 3 teacher, kinuha nya yung pitak kasama ng koleksyon ko ng mga gagambang gutom. Sayang, nagset pa naman ako ng pustahan nun.
May service ako ng mga panahon na to, kapag sa amin ako umuuwi eh naghihintay ako sa may simbahan. Araw araw nagtitira ako ng 6 pesos para bumili ng laruan, tapos maglalaro kami nung classmate ko sa simbahan. Flying twirler pala ang tawag dito, ngayon ko lang nalaman. - Grade 3 - Bagong lipat kami nun dito sa Tanza. Eto naman yung panahon na sobrang adik ko sa Sega. Pag-uwi sa bahay, maglalaro ako ng Street Fighter o kaya ng Aladdin. Sa Aladdin, pagdating mo ng stage 5 eh may malaking bato na gumugulong, wala kang gagawin kundi tumakbo at tumalon, basta dapat hindi ka abutan nung bato. Ilang araw akong hindi makatulog kasi talagang hindi ko matapos. Ang natatandaan ko, high school na ata ako simula nang laruin ko ulit to at doon ko lang nalampasan yung stage na yun. Kaasar lang.
Bagong labas din ang playstation nito. Pumupunta pa ako nun sa bayan para lang maglaro ng Tekken o kaya ng Street Fighter Alpha. Nakakatuwa lang, kasi nung panahon na yun eh parang napakarealistic na ng graphics ng Tekken. Tuwang tuwa ako at wala akong masabi kundi "Shet parang tao na talaga oh!". - Grade 4 - Bagong school, bagong friends. Eto yung mga panahon na naghahanap kami ng mga lumang kahoy at bumibili ng bola ng tennis tapos naglalaro kami ng baseball. Kada tanghali yun after naming mananghalian at sa hapon bago mag-uwian. Uso din noon yung "mix", yung minatamis na saging na nilalagyan ng gatas. Dahil sa lactose intolerance eh hindi ko masyadong naeenjoy to, kaya ang madalas na pananghalian ko eh menudo o kaya naman tocino na luto ni ermats.
May cellphone na si ermats nito, yung Motorola Populous.Mas malaki pa yun sa 5110 at wala syang ibang features kundi tawag at phonebook. High-tech na to nung panahon na yun. Kapag nakita ka ng mga classmate mo na meron kang telepono na walang kurdon eh parang ang yaman yaman mo. Dinadala ko to pag may field trip, hindi ko rin naman nagamit kasi laging pinapaalala ni ermats na mahal ang cellphone bill.
- Grade 5 - 1999 na nito. Natuto akong magcounterstrike at nag-adik ako ng sobra. 30 pesos pa ata per hour nun sa Mariolito, kaya tamang dekwat sa tindahan para makapaglaro. Naaalala ko pa nung unang laro ko nito, pinagmumumura ako ng mga kalaro ko. Pagkatapos ng ilang buwan at pro na ko, sila naman ang minumura ko, wala kasi silang improvement.
Noong grade 5 ko din naranasan na mapunta sa guidance sa kauna-unahang pagkakataon. Dahil sa kakalaro namin ng baseball eh nakabasag kami ng bintana. Pumunta yung guidance counselor sa room namin, tinanong kung sino daw ang naglalaro ng bola. Nagtinginan kami ng mga classmate ko, hindi ko alam kung bakit itinaas ko yung kamay ko. Ang mga loko, hindi man lang ako dinamayan. Mag-isa tuloy akong napagalitan, napalo pa ko sa kamay ng meter stick.
Kung babalikan ko lahat eh matatawa lang ako. Ang kulit ng pagkabata ko. Sa mga ipinanganak sa panahong uso na ang computers at afford na ng lahat ang cellphone, ang malas nyo. Hindi nyo dinanas na kailangan nyo talagang lumabas paminsan-minsan at makihalubilo sa ibang tao para madiskubre ang mundo. Wala pang facebook noon, wala pa ring friendster, pero connected ka sa ibang tao.
No comments:
Post a Comment