Medyo malayo kasi sa kabihasnan ang lugar namin, nasa gitna ito ng bukid at wala kang masasakyan papunta roon. Ngayong gabi, iba ang pakiramdam habang naglalakad dahil sobrang dilim; may ilang araw na rin kasi na walang tigil ang ulan dito sa lugar namin.
Halos hindi ko na maiangat ang paa ko sa sobrang kapal ng putik. Anak ng puta naman kasi, saan nga ba napupunta yung tax na binabayad namin? Hindi ba dapat ay nagawan na ng kalsada itong lugar namin? Walanghiyang gobyerno. Wala nang ibang ginawa kundi ibulsa ang pera ng taongbayan.
Habang naglalakad ako ay nakasalubong ko si Mang Kulas, siya yung matanda na ninanakawan ko ng mangga noon. Akalain mo, pagkatapos ng ilang taon ay makakalimutan nya rin pala yon. Ngumiti siya sa akin at sinabihan ako na, "Utoy, ingat ka pauwi ha, kapag ganitong madilim eh maraming nagkalat na masasamang loob". Grabe din naman talaga tong si Mang Kulas. Halos lahat naman ng tao dito sa baranggay namin ay kakilala ko. Gayunpaman, nakaramdam ako ng matinding takot sa sinabing ito ni Mang Kulas.
Lalong lumamig ang paligid at lumakas ang ihip ng hangin. Grabe, sobrang lamig. Nakakainis. Bigla bigla kong naramdaman na parang may sumusunod sa akin, subalit pagtingin ko sa likod ay wala naman akong nakita. Huminto ako sandali at nakiramdam, subalit parang ang sumusunod na ito ay tumitigil din kasabay ko upang hindi ko siya mapansin.
Matapos ang 20 minutong paglalakad, nakita ko na ang ilaw ng bahay namin. Binilisan ko ang paglalakad, kinalimutan ko na ang sandamukal na putik na nasa ilalim ng sapatos ko. Halos tumakbo na ako na parang Olympic runner para lang madala ang katawan ko sa bahay at maibsan ang takot na nararamdaman ko.
Binuksan ko ang pintuan ng bahay, sobrang tahimik. Sumilip ako sa kusina, buti naman at meron pang pagkain. Dali-dali akong nagpalit ng tsinelas at sumandok ng kanin. Nakakagulat ang mga susunod na pangyayari.
Iyong kanin, hindi ito ang niluluto ni nanay. Bagama't taga bukid kami, maipagyayabang ko na mamahaling bigas lamang ang kinakain namin. Bigla akong kinabahan. Pagtingin ko sa paligid, parang hindi rin ito ang bahay namin. Iyon ang labis kong ikinatakot. Hindi ito ang mga gamit namin, maging ang pinggan na hawak ko ay hindi pamilyar sa akin. Napatayo ako at talagang nanginginig sa takot. Ngayon ko lang ata naramdaman ito.
Biglang may humawak sa aking balikat na malamig na kamay. Hindi ako makagalaw. Unti-unti kong ipinihit ang ulo ko papunta sa direksyon ng taong ito at ako ay nagulat sa aking nakita. Si Aling Lusing, yung nanay ni Benjo. Napasigaw ako at napasigaw din siya.
Bigla nyang sinabi sa akin, "Utoy lasing ka na naman, hindi ito ang bahay nyo".
No comments:
Post a Comment